Hulas, saplot ay damit na kupas, hinahabol ni Tristan ang nobya sa gitna ng ulan. Nang masabayan na niya ito, sinabayan na ngang iwan ito papasok ng tanghalan. Naghihingalong bumibigkas ng di maintindihang mga salita na tila buryo na sa kasama niya. Makupad daw. Mabagal. Lampa. Buti na lamang at indap lang ang ambon at hindi bugso ang pagbulalas ng sanlaksang tila balang patak ng ulan. Muntik pa madulas dahil andap kung tumakbo si Tristan. Kapit kapit sa isang kamay yung isang hita. Para bagang mabigat na hindi mo maapuhap bakit; siya rin ata nagtataka.
Takbo lang ng takbo hanggang sa abutan siya ni Lilit ay hinablot nito ang kanyang leeg—pabiro. Paika-ika kung maglakad dahil ika ni Tristan sa bukabolaryong pangkalye nito—nalintikan kasi. At pumasok sa malaking bulwagan ng tanghalan. Medyo naninindig pa balahibo ni Tristan na ngayon lang nakalabas matapos ng ilang taon. Ganun na rin lang siguro ung pagnanasa n’yang makapasok agad sa tanghalan. Pati nga alak, dalawang taon na siyang naka “diyeta” na hindi niya rin alam kung ano bang nangyari. Naalala nya na ang huling punta nya sa tanghalan eh nung nililigawan n’ya si Lilit. Lingid sa kaalaman niya eh huli na rin pa yun matapos ng ilang taon matapos s’yang sagutin ni Lilit.
Masaya siya kasama si Lilit. Lagi raw siyang masaya. Malambing at napakabait daw na nobya ni Lilit. Minsan, tipikal na babae, mapanakit daw—sabay tawa tas ngisi. Kinakausap kasi siya ng kumpare nya na nakita nya sa loob ng bulwagan. Ang suwerte nga raw ni Tristan kay Lilit. Bukod sa mabait, maganda raw. Maganda daw inside and out.
Pero pag tinatanong naman siya kung bakit di siya lumalabas, ang sagot ay sobrang imik. Nagtitipid na nga sa pera, pati sa salita tipid pa. Muntik pa mabatukan kasi nginitian lang ung tanong.
“O, Maria, giliw kong irog!
Patnubayan aking puso.
Tanawin yaring panmbitan
sa durungawan yaong pagibig!
Kadyat mang tumingin
Buong puso na papaunlakin
Ako ay bigyang pansin
Dalangi’y sa aki’y damdamin”
Nasa dulo nakaupo ang magnobya habang nagsasang-usapan sa kabila ng mga pananaway sa kanila ng taga-bantay na hinaan ang boses ng kaunti dahil nakaiistorbo sa mga manonood. Ang tining pa naman daw ng boses nung babae. Umaalingawngaw daw ung boses kahit nasa hulihang silya.
Paano ba naman papayapa silang mag nobya eh lagi ikang nagbubukas ng pagtatalo si Tristan. Pagod na raw siya makipagtalo dito. Eh paulit-ulit lang naman daw ang usapan. Ayun, medyo barubal kasi ang lenggwahe ni Lilit. Hindi rin talaga makilala ni Tristan kung sino na yung kasama niya matapos ng 3 taong pagsasama. Matapos nung isyu sa sahod nya daw nung second anniversary nila, dun daw nagsimulang mag alboroto ang buchi ni Lilit. Aba’y sana eh hindi totoo.
“Pakinggan mo ang panambitan
Mara, o pakasinta-sinta
Ang luha’y umaagos
Mala ilog ang dalita.”
Palakas ng palakas ang boses nila. Nakikisabay nga raw sa climax ng kuwento. Mukha bang bida si Lilit? Pala isipan pa rin kay Tristan ang sikwensya ng mga pangyayari. Ang deskrptibo pa nga niya eh daanang padausdos. Nagiisip ng ano bang nangyari o ano bang dapat gawin. Tinititigan lahat ng exit. Medyo nahihilo sya sa ilaw kasi masakit lagi ang ulo.
Tumayo muna si Lilit para pumunta muna sa palikuran. Medyo nakabusangot ang mukha kasi may hinihingi s’ya kay Tristan. ‘Di ko alam kung ano ‘yun pero di pa ata maibigay ni Tristan ngayon. Tinititigan si Lilit kasi ang lala ng kurbada. Tas kaganda nga raw talaga. Ang hinhin pa nga ng itsura eh. Paglabas ng palikuran, tanaw agad ni Tristan yung ngiti. Para nga raw parol na kumikinang sa dilim.
Habang wala si Lilit, hinablot ng katabi nilang bata ang braso ni Tristan. Nagbilang ang bata at tumturo sa balat nito. Isa, dalawa, tatlo…napakaraming pagbibilang. May malaki, may mahaba. May nangingitim, may mapula. May malalim, may mababaw. Para daw balat ng buwan.
“O anong sawing palad
Ang puso ni Maria’y binihag
Winalang saysay, binayubay
Ni Degoryong dala’y lumbay
Nasagip ng aking mata
Hagkan niya sa sulok ay dalaga
Hinalikan sa noo’t sinambitla
Magingat ka, mahal kita”
Biglang gaan ang pakiramdam ni Lilit pagkatapos lumabas ng palikuran Baka nga lang ata naiihi kaya masungit. Baka rin may dalaw. Mga babae nga naman daw. Tas pagtapos ng away, biglang nagaaya na sa ano raw bang magandang kainan. Siyempre, marupok si lalake, nadala agad ng lambing. Okay na raw siya sa Jollibee para mura lang.
“O, wag mong pakinggan
Yaring sambitla ng labi
Walang katotohanan
Ni man lang pasubali
Yao’y aking kapatid
Nakababata sa akin
Anong dahil pagsinungalingan
Ako lamang ay alipin”
Naririnig na ng mga katabi yung lambingan ng dalawa. Ang lambing ng tunog ni Lilit. Hapyaw lang bumigkas. Sobrang layo sa kaninang nangyari. Natuwa rin sila dahil nanahimik na raw ung mag nobya at nagbati na rin daw. Sana raw wag saktan ni lalake si babae. Tanong tanungan. Talatanungan ng sana at pakialamerong dasal.
“Degoryo, ang puso’y pinaglaruan
Ang giliw kong mukha’y di masinsay
Ang madla’y nakamasid
Ang puso’y binasag na walang wari”
Patapos na ata kaya nauna na sila Tristan sa papalabas ng bulwagan. Ang dilim ng exit ng mga tanghalan—bakit nga raw ba ganun, sabi ni tristan. Gutom na rin ata si Tristan kaa naaya na ni Lilit sa labas.
Ang konsyerto’y naninigting. Ang musika’y mabagsik na humahawig sa sulok ng bulwagan. Estacatto sa bawat nota na binibitawan ng mga biyolin. Mapanindig balahibong eksena. Tahimik na ang bulwagan at mas lalong naninindig sa mga manonood ang eksena.
Humugot ng baril ang lalakeng bida ng pagtatanghal. Sabay isang malakas na musika ang binagsak ng konsyerto—
Bang!
Tumakbo si Lilit.
Pinagpugayan ng mga manonood si Maria.
Ang dula ng wika’t imahinasyon ay naghari’t nagtagumpay laban sa katotohanan ng hibik at peklat.
