Lantsa Dolor



“Hapon ng Agosto a otso, mil novecientos noventa y ocho, at papunta kami sa parke ni Rizal si Rien habang kumakain kami ng sorbetes. Cinco lang ‘tong kay Mang Berting kaya alam na niyang suki niya ako simula pa ng maliit si Rien dahil kada linggo, alam nya nang aalis kami ni Rien kaya humihinto na sya sa tapat ng bahay. Bente quatro na si Rien sa dyesiotso sa susunod na buwan. Ang bilis ng panahon. Napakahusay ng anak kong ito dahil nakatapos ito ng pagka piloto sa kolehiyo sa Paranaque at tumuloy sya magaral sa Amerika. Sa totoo lang, kauuwi lang ni Rien sa amin dito sa Maynila, tas ang amahin nya ay nagaasikaso ng sakahan at lupain namin doon sa Cebu.

Ang sabi ko kay Rien, wag muna sya magaasawa kasi paano ang ina nya – sabay tawa – kasi di na ako makapaglaba at nananakit na itong mga kasukasuan ko sa kamay, ha ha ha! Pero may nakaagaw na rin ng puso nya, at nakatutuwang isiping alaga siya ni Leonora. Biruin mo, pinalaki ko itong si Rien hanggang makatapos sya ng kolehiyo sa paglalabada. At ang tatay ni Rien ay pumupunta sa Cebu dahil noong una, sya lang ang nagsasaka, kumbaga’y magsasaka. Tas nakakaiyak dahil noong nakahanap ng trabaho itong anak namin at naging matagumpay na siya sa Amerika, aba ay ibinili nya na ang tatay nya ng lupa sa Cebu! At pinatigil nya na rin ako sa paglalaba.

Noong bata itong si Rien, mahilig sya umalis; mag gala ba. Eh mahirap iyong paraan na mailabas itong bata na ito dahil mausisa itong si Rien eh, ha ha ha! Ang panahon noon, limang taon sya, yun yung kasagsagan na ang sabi nila, kumakatok at nagbabahay-bahay yung mga MetroAide na kinatatakot ni Ruding, ama ni Rien, dahil isa si Ruding sa nagprotesta na mga manggagawa sa panahon ni Marcos. Sinabihan ko na kasi ito na wag na makiramay sa gulo at mapapahamak kami ng anak niya. Awa ng Dios, buhay pa ang Ruding ko, at andun sa Cebu naggagapas ng mga palay sa sarili niyang lupa. Ha ha ha! Natatawa na lang ako sa galak pag naiisip kong may-ari na kami ng sampung ektaryang lupa!

Siyam na taong gulang itong si Rien, nahilig sya sa musika talaga. Sabi pa nga niya sa akin, “Nang! Magmumusikero ako sa paglaki ko at aawitan ko kayo ng Papang!” habang nakikinig ng casette na dala ng tiya Moning niya. “Ha ha ha! Aba’y kakulit ng batang ito, Dolor!” aniya Moning. Si Rien ang paboritong apo ni Moning dahil masipag na bata itong anak ko at mahusay pa puminta; trabaho ng asawa ni Moning, Si Pacio na pintor sa lugar namin sa Quezon. Kapag pasko, umuuwi kami kay Moning kasi tradisyon na namin sa pamliya na magkita-kita kapag pasko dahil andun lang din ang bahay ni Inang katabi ng bahay nila Moning sa Infanta. Tas ang gusto pa ni Rien pag aalis kami ay magsuot daw kami ng kulay asul kasi paborito nya iyon. Dala nya lagi yung manika nyang Ultraman na kamahal! Ha ha ha ha! Magkano rin ginastos ko doon para mabili yun. Pero siyempre, nakakatuwa dahi nagustuhan ni Rien yung regalo kong iyon sa kanya. Kaso nalaglag yun sa dagat nung una naming daong pa Cebu.

Di naman maluho itong batang ito, kaya nga kahit simple lang ang ibigay sa kanya ni Moning pag pasko, ay galak na galak na ang bata kahit notebook lang ang mtanggap! Masipag din ito dahil simula nung nagaral itong anak ko eh laging first honor. Tas uuwing pawis na pawis at puno ng pintura ang kamay, galit na galit ang tatay dahil pahihirapan na naman daw ako sa paglalaba. Pero humuhupa rin agad ang galit ng tatay nya pag maglalabas siya ng medalya dahil nanalo pala sya sa paligsahan ng pagpinta sa eskuwela nila. Lagi iyon, hanggang sa mag kolehiyo ang anak ko.

Nagkaroon din yan ng nobyo tas iniwan sya. Nakilala nya kasi yun sa eskuwela noong 3rd year highschool. Galit na galit noon si Ruding dahil natatakot at makabuntis sya ng maaga. Sabi pa niya, “Ano, Rien?! Mabubuhay mo ba yang si ano! Anong pangalan n’un!” Ha ha ha! Nakakatawa lang magalit itong aking Ruding dahil nagiging makakalimutin. “Yung princess na yun!” sabi ni Ruding habang nakaupo sa sulok ng upuan si Rien. “Hindi mo pa nga mapakain ang sarili mo, magnonobya ka agad!” Ayun, nagpupuyo sa galit si Ruding kasi pinagtatanggol pa ni Rien iyong Princess na hihiwalayan lang sya dahil daw di mabili ni Rien ung babaitang iyon ng sapatos na gusto nya. Isang taong malungkot iyong aking Rien dahil iniwan, ha ha ha! Napagsabihan na kasi, eh nagpipilit pa ang utoy. Pero nakahanap rin naman sya ng nobya na hanggang sa Amerika isinama nya. Yun ung kako kanina eh mabuting kamay na kumalinga kay Rien. Alam ni Rien, botong boto ako kay Leonora dahil napaka husay na batang iyon. Napaka magalang pa at maunawain. Di rin niya hinahayaang gumastos ng gumastos si Rien na napakalaking kabaligtaran sa unang nobya ng anak ko. Aba’y tila walang kapintasan si Leonora! Sabi ko nga kay Padre Goreng, “Apo! Napakabait ng pamangkin ninyo, ano! Gawin mo na kayang santa si Leonora! Ha ha ha!” Natawa na lang si Apo at napangisi dahil alam nyang walang mapipintas sa pamangkin nya…

…O siya! At andito na pala kami sa parke! Balikan kita ha, ha!”

Tahimik ang paligid kasabay ng pagaspas ng hangin sa mga puno sa palibot ng quadrangle. Tumayo sa wheelchair si Dolor, habang nagiikot sa pasilyo ng pasilidad. Bagaman nagbago ang kalagayan ng matanda, makikita pa rin ang respeto sa kanya ng mga luma at bagong kawani ng ospital. Matapos magikot sa pasilyo, umupo sa ilalim ng puno ng mangga ang matanda habang unti-unting naglalaho ang ngiti sa kanyang mata na tila may masaklap na pangyayaring naalala.

“Uy! Naku, alam mo ba na pumunta kami ngayon ni Rien sa Cebu! Kaarawan kasi ng anak ko at pupunta kami sa Cebu para samahan si Ruding doon. Kalahating buwan na din si Ruding doon dahil maraming inasikaso.

Sumakay kami ng lantsa na ang ruta ay Maynila pa Cebu. Kasama namin sina Potyang, ung kasambahay namin dito sa Maynila at ikaw nga, Nars…ano nga uling pangalan mo?” aniya Dolor. “Desiree po, nay. Desiree.” “Ah, oo nga. Kasama ka namin noon sa lantsa. Masaya ako nun kasi pupunta na kami uli sa Cebu at kikitain si Ruding. Ay, Ruding ko kung maala–” sabay hikbi ni Dolor sa mga bisig ni Desiree.

“Pinaiyak mo na naman si Doktora Dolor, Desiree, ha!” aniya Doktor Ruiz, superbisor sa ospital kung saan nanunuluyan. “Hindi naman, doc, ha ha ha!” “O, doktora, wag na kayong umiyak. Uuwi rin si Rien sa inyo. Sa ngayon, dito ka muna sa ospital.” aniya Nars Desiree. “Diba iha, bago kitang nars?” “oho, doktora, bakit po?” “Alam mo, ija, nagsisisi akong nakatulog ako noong sumakay kami sa lantsa. Iniwan ako ng anak ko. Hindi sya nagpaalam sa akin. Pumunta kasi ako ng cr para labhan yung t-shirt na suot nya habang kumakain, kami, tapos bumalik din naman ako agad. Kaya nga lang sumakit ang tiyan ko. Sumakit lang ang tiyan ko noon, tas pag gising ko, wala na si Rien. Uuwi pa ba sya? Nananabik na ako sa anak ko.” sabay titig ni Dolor sa kawalan, humihikbi at patuloy na umaasa na ang kanyang anak ay uuwi muli sa kanyang piling – anak niyang ninais niyang muling mahagkan at mayapos matapos ng mahabang panahong paghihiwalay.

Iniwan ni Desiree si Dolor ng kagyat na panahon para lamang magtanong sa doktor. “Saglit lang po, doktora, ha? Puntahan ko lang po si Doc Ruiz.” “O, siya iha, magiingat ka.”
“Doc!” sigaw ng nars na may pagtataka. “Bakit, Desiree?” “Yung kay doktora, may tanong ako.” “Ah, matagal nya ng kuwento yun. Paulit-ulit pero hindi kami nagsasawang pakinggan.” “Ah, ang tanong ko lang is yung kay Rien.” “Anong tanong?”

“Doc,

…nakita ba niya…talaga?”


Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started